"Yapak sa BioSci" ni Julz T.



UPLB late 90s.

Patapos na mga klase at malapit na sembreak, nagsi-uwian na ang mga studyante except sa mga magf-finals.

Protagonist si "A". Si A ay miyembro ng isang organization at nung panahon na yun ay uso pa ang mga malalaking table na "tambayan" sa BioSci. Si A ay malaking tao, fitness buff, so di sya basta basta natatakot sa kung sino man. 

Nung 90s wala pang curfew sa campus, kahit tumambay ka sa campus magdamag or matulog ka sa field ay ayus lang. 

Nakatira sya sa dorm, pero nung panahon na yun ay "temporary homeless sya". Wala ng mga orgmates na available na pwede sya makitira. So "wala ng no choice".. naglakas loob sya matulog sa tambayan nila sa BioSci. Ang tambayan ay located sa hallway katabi ng parking lot malapit sa puno ng balete.

Takipsilim, 6pm madalang na rumonda ang campus police, nagsisiuwian pati na mga tao sa BioSci. Deadma lang kay A, inaaliw lang ang sarili at komportable naman sya, may dala pa syang kumot pangontra sa lamig at lamok.

9PM. Simula na syang humiga sa taas ng table ng tambayan. Chill lang, pinipilit matulog. May naririnig na parang boses na nag-uusap sa hallway..

Walang tao, baka echo lang.. deadma.

11PM. Nakakabinging katahimikan. Kaluskos lang ng dahon at ihip ng hangin ang maririnig. Madilim at kaunting ilaw lang ang nakabukas sa BioSci..

Si A ay "light sleeper".. madali sya magising sa konting kaluskos..

1AM. Balot na sa kumot at nilalamig na si A.. pinipilit matulog pero nadi-distract sa ingay na nagmumula sa hallways at lecture hall. Umuungol at parang may nasasaktan, yung parang may humihikbi at umiiyak habang pinapahirapan.. Iniisip na lang ni A na echo lang yun o guni guni nya lang.. baka pusa lang.. Pilit uli matulog.

2AM. Naalimpungatan si A sa boses ng tao na naririnig nya sa kanto ng hallway. Di nya maintindihan ang boses, parang galit, pero malabo kasi parang echo ang dating. Inisip na lang nya na baka dumaan lang yung caretaker or patrol. Pinilit ulit matulog.. sa lamig ng simoy ng hangin at dilim ng hall, nakatulog sya.. 

3AM. Naalimpungatan na naman si A nang marinig nyang may kumalabog sa dulo ng hallway. Dilat lang mata nya pero nakabalot pa rin sya ng kumot sa sobrang lamig. Di nya nakikita pero may naririnig syang nag-uusap. Galit na boses na nagsisigaw. Mejo malapit na sa kanya ang boses, nagtakip na lang sya ng kumot at pinikit ang mga mata. Naririnig nya pa rin ang boses, galit na parang may inuutos. Pero di nya maintindihan at di na nya minulat ang mata nya, nagtago na lang sya sa kumot. 

Lumalakas ang boses, pero di nya pa rin maintindihan.. rinig at ramdam nya mga footsteps ng mga “taong” palapit na sa kanya..

Biglang tumahimik..

Pawisan at kinakabahan si A pero naglakas loob syang imulat ang isang mata para sumilip kung ano nangyayari sa paligid nya habang nakabalot sa kumot. 

Naaninag nya may mga anino sa may tapat nya, nakatingin lang sya sa baba at nakita nya may mga naka-khaki na pantalon at naka bota na brown lahat nakatapat sa kanya.. 

Nagtaka si A bakit may mga tao sa harap nya, pero sa takot nagtalukbong na lang ng kumot.. imumulat na sana nya ang dalawang mata nang biglang sumigaw ang nasa harapan nya.. napapikit na lang si A sa lakas ng boses nung sumigaw. 

Narealize din nya bakit di nya maintindihan ang mga boses, kasi ito ay salitang HAPONES! Ang mga narinig nya at nakikita nya ay mga multong sundalong hapon! Pinapakinggan nya ang mga mabibigat na yapak ng mga ito at nagmartsa sa hallway ng biosci hanggang maglaho na parang usok..

Di na mapakali si A at di na nakatulog hanggang sumikat na ang araw. Tulala at di makapaniwala sa kanyang naranasan, nagpasya sya na di na ulit magpapaumaga o magpuyat sa Biosci, lalong lalo na kung mag-isa.

No comments:

Post a Comment