"Kapit ng Succubus" ni Julz T.


Nangyari ito noong nagtatrabaho pa ako sa isang BPO company sa Cubao, yung lumang Rustans/Automatic Center, maraming UP grads doon tulad ko.

Luma na ang gusaling iyon at halos wala ng mga nangungupahan ng ibang office spaces, kumbaga madilim ang buong building except yung part na may BPO. Nocturnal ang mga empleyado dito at madalas dim lights ang mga nasa lugar na kung saan pwede magpahinga.

Graveyard shift ang kadalasang sked sa kumpanyang ito, at may mga designated sleeping quarters para sa mga lalake at para sa mga babae. Yung sleeping quarters ng lalake ay katabi lang ng pantry at ladies washroom, madalas nakabukas lang ng kaunti ang pinto, para hindi maingay kung bubuksan at isasara.

October 2008. Halloween season noon at may pasok ako.. 

12midnight, long break ko at naisipan kong matulog sa sleeping quarters. 

May mga bunk beds (double deck beds), at nung gabing iyon kakaunti lang ang natutulog, kanya kanyang solo ang bunk beds. Patay lagi ang ilaw dun at iilang black lights lang ang nakabukas. (BLACK LIGHT- kulay violet na bumbilya para di masakit sa mata).

Nakita ko ang isang bakanteng top bunk bed na bagong palit ang bedsheets, malapit sya sa pader at katapat ng isang black light. Tinanggal ko na sapatos ko at humiga na sa kamang yon. Para sakin mas kumportable matulog sa taas, lalo na kasi kakaalis lang nung tao sa baba ng bed ko.

Nakalipas ang ilang minuto di pa rin ako makatulog, nakatihaya ako at tinakpan ko na lang mata ko gamit ang likod ng kanang kamay ko, mejo nasisilaw na kasi ako sa black light. Mejo pumupungay na mga mata nang may maramdaman akong kakaiba.

Malakas ang aircon, pero pinagpapawisan ako.  

May naririnig akong tunog na parang may nasusunog, at parang mausok sa loob ng kwarto.

Parang may naririnig akong “prayer chant” na di ko maintindihan, malalalim na boses.. 

Sinubukan ko iangat ang kamay ko na nakapatong sa noo ko. 

At doon ko nakita ang ITIM NA KAMAY na lumabas galing sa pader. 

Hinablot nya ang kamay ko at pinatong ulit sa ulo ko. Sinusubukan kong silipin kung saan nanggagaling yung itim kamay, pero usok lang ang karugtong ng siko! Sinubukan ko gumalaw, pero paralyzed na buong katawan ko! Di ako makagalaw o makasigaw. Mata ko lang ang nakakagalaw, alam ko hindi ako natutulog kasi nakikita ko yung mga tao na naglalakad sa labas ng pinto.

Sinubukan kong sumilip sa paligid ko pero panay usok at black light na lang nakikita ko, lumalakas na rin yung tunog ng apoy na parang hinihipan ng hangin. Habang nangyayari to, nakahawak pa rin ng mahigpit sakin yung itim na kamay.

Di ko alam saan ko nakuha ang lakas ng loob na subukan sumigaw at ang nasabi ko lang ay: 
“THE LORD IS MY SHEPHERD”.. (nakapagtataka kasi di ako masyadong familiar sa bible verses at di ko rin alam san ko nakuha yung verse). 

Nung nasabi ko yun, biglang naglaho yung usok at apoy na pumapalibot sakin, umatras din sa pader yung itim na kamay. 

Pero bago nawala lahat.. 

May sumigaw sa kaliwa kong tenga na halos mabingi ako.. yung boses na parang kinakatay na hayop, o parang kahol ng asong demonyong nasusunog.. Basta ang naintindihan ko lang sa sinabi ng boses ay: 

“LIVE WITH ME!!!!” 

Sa sobrang lakas nung sigaw, nag-”ring” yung tenga ko..

Tumalon ako galing top bunk at dali daling tumakbo papuntang pantry, naiwan ko pa yung sapatos ko sa sleeping quarters sa sobrang taranta ko. Nagtaka na lang yung officemates ko bakit wala na akong suot na sapatos.

Sa mga sumunod na araw, kinausap ko yung “spiritualist” officemate ko, tinanong ko kung sinong ligaw na kaluluwa yun. Sabi nya, hindi daw yun ligaw na kaluluwa..isa daw yung“DEMONYO/SUCCUBUS” na nakaabang sa female restroom na katabi ng sleeping quarters.

Magmula noon, di na ulit ako bumalik sa sleeping quarters na yun.

Itong insidenteng to ang pinakanagpaniwala sakin na may mga totoong “metaphysical entities” sa mundong ito at kaya nilang magpakita at magparamdam physically. Gawa rin nito mas tumibay pananampalataya ko sa Diyos at sa kapangyarihan ng dasal.

No comments:

Post a Comment